Ang bosyo o goiter ay ang paglaki ng ating thyroid gland. Lahat ng tao ay mayroong thyroid gland at karaniwan ito ay maliit lamang. Ang thyroid gland ay isang endocrine gland na gumagawa ng mga hormones na mahalaga sa metabolismo at tamang paglaki ng katawan. Ang normal levels ng thyroid hormones ay mahalaga para sa tamang pagtibok ng puso, paglaki at paggalaw ng muscles, regulasyon ng temperatura ng katawan, at para sa mga babae, ang tamang regulasyon ng menstrual cycle.
Ang thyroid gland ay matatagpuan sa gitna ng ibabang parte ng leeg. Karaniwang hindi ito nakakapa, ngunit kapag mayroong bosyo or goiter ang isang tao, maaari itong makita o makapa bilang isang bukol sa leeg. Maaaring lumaki ang thyroid gland kapag:
- Mataas ang thyroid hormones level o ang tinatawag na Hyperthyroidism. Ilang sintomas nito ay ang:
(1) mabilis, malakas, o iregular na pagtibok ng puso (palpitations)
(2) madalas na pagkabalisa o iritable
(3) pakiramdam ng sobrang pag-init katawan (heat intolerance)
(4) panginginig ng kamay (tremors)
(5) pamamayat kahit tama ang pagkain
(6) pagdalas or paglakas ng regla - Mababa ang thyroid hormones level o ang tinatawag na Hypothyroidism. Ilang sintomas nito ay ang:
(1) madaling pagkapagod o madalas na pagiging matamlay
(2) sensitibo o madaling makadama ng lamig (cold intolerance)
(3) hirap sa pagdumi (constipation)
(4) patuloy na pagdagdag ng timbang kahit na tama ang pagkain
(5) pagkonti o pagiging iregular ng regla - May tumutubong bukol sa loob ng thyroid gland. Maaari itong maging benign (hindi kanser) o malignant (kanser). Sa mga benign (hindi kanser) na bukol ang tawag sa kanila ay thyroid nodules; maaaring iisang bukol lang ang tumubo (nodular goiter) o maaaring marami ang bukol sa loob ng thyroid gland (multinodular goiter). Sa mga taong may thyroid cancer, ang pinakakaraniwan ay ang tinatawag na papillary thyroid carcinoma. Ang agresibong klase ng kanser ngunit hindi kasing karaniwan ay ang anaplastic thyroid carcinoma. Ang kanser sa thyroid ay maaaring kumalat sa ibang parte ng katawan kapag hindi ito agad naipatingin sa duktor.
Ang kadalasang duktor na tumitingin sa mga taong may bosyo o goiter ay ang ENT (Ear Nose Throat) Surgeon at ang Endocrinologist. Ang Endocrinologist ang nagbibigay ng mga gamot upang pababain o pataasin ang thyroid hormones sa mga taong may hyper- o hypothyroidism. Kapag naging normal thyroid hormone levels ay maaaring ipatingin na sa ENT Surgeon upang tanggalin ang thyroid gland para hindi na umulit ang abnormal na pagtaas o pagbaba ng thyroid hormones. Kapag may tumutubong bukol sa thyroid gland, ang ENT Surgeon ang gumagawa ng operasiyon upang tanggalin ito. Magkatulong ang Endocrinologist at ENT Surgeon sa pag-alaga at paggamot ng mga taong may bosyo o goiter.
Para magkaroon ng mas marami pang kaalaman tungkol sa ating thyroid gland at sa kondisyon na bosyo o goiter, maaaring basahin ang artikulong ito o panuorin ang radio interview sa Doctor’s Orders.
Doctor’s Orders DWWW 774
Episode: May 18, 2019 – Saturday edition
Topic: Goiter (Bosyo)
with Nurse Nathalie David, Dr. Jennifer Angela Almelor-Alzaga (ENT – Head & Neck) & Dra. Anna Lore Ignacio (ENT – Head & Neck)
Doctor’s Orders DWWW 774
Episode: May 18, 2019 – Saturday edition
Topic: Goiter (Bosyo)
with Nurse Nathalie David, Dr. Jennifer Angela Almelor-Alzaga (ENT – Head & Neck) & Dra. Anna Lore Ignacio (ENT – Head & Neck)
Contents
- ANO ANG BOSYO O GOITER?
- ANU-ANO ANG MGA SINTOMAS NG BOSYO OR GOITER?
- MAAARI BANG MAGING KANSER ANG BOSYO OR GOITER?
- PAANO NALALAMAN KUNG IKAW AY HYPERTHYROID O HYPOTHYROID?
- ANU-ANO ANG MGA MAAARING EPEKTO KUNG HINDI GAGAMUTIN ANG BOSYO O GOITER?
- ANO ANG MGA KAILANGAN GAWING LABORATORYO PARA SA BOSYO O GOITER?
Video Transcription
ANO ANG BOSYO O GOITER?
Nurse Nathalie: Ano nga ba ang goiter at bakit ito ay dapat nating pag-usapan?
Dr. Almelor-Alzaga: Ang goiter ay ang paglaki ng thyroid gland natin. Ang thyroid gland ay hugis na parang paruparo na nandito sa harapan ng ating leeg, dito sa may mababang parte: mayroon iyong kanan, mayroong kaliwang parte, at sa gitna ay may nagkokonekta sa kanilang dalawa.Napaka-importante ng thyroid gland kasi ‘yong mga ginagawa niyang mga hormones ay importante sa puso, nerves, muscles, at metabolism ng ating katawan. Ngunit maraming dahilan kung bakit lumalaki ang thyroid. Maaaring kapag mataas ang hormones, nasosobrahan ng trabaho ‘yong thyroid natin— lumalaki siya. Maaari rin na kulang naman sa hormones, malaki pa rin siya, o ‘yong isa naman ay kung may tumutubong tumor o bukol sa loob.
Nurse Nathalie: Ang problema is the hormones. Kapag iniisip ko kasi — hormones— parang babae lang. Maaari rin ba iyan sa lalaki?
Dr. Ignacio: Ang hormones ay general term. So lahat ng tao ay mayroon noon. Marami rin parte ng katawan natin o organs na nagpo-produce ng hormones. Ang thyroid ay isa lang sa maraming parte sa ating katawan na naglalabas ng hormones.
ANU-ANO ANG MGA SINTOMAS NG BOSYO OR GOITER?
Nurse Nathalie: Kapansin-pansin ang isang taong mayroong goiter, ano pa ba ang mga sintomas na maaari nilang mapansin bago lumaki ang leeg nila?
Dr. Almelor-Alzaga: Halimbawa, mataas ang inyong hormones, ang tawag namin doon ay Hyperthyroid. Iyon po ‘yong namamayat kahit kumakain nang maigi, or ‘yong kumakabog ang dibdib kahit nagpapahinga lang—ang tawag namin doon ay palpitations. Dapat po kasi ay hindi mo nararamdaman ang pagtibok ng puso mo. Kung sa babae naman, ‘yong kanilang regla ay nagbabago. Either tumatagal, dumadami iyong amount, or mas nagiging madalas.
Dr. Ignacio: Minsan pawis na pawis din kapag hyperthyroid.
Nurse Nathalie: Kahit walang ginagawa?
Dr. Ignacio: Kahit walang ginagawa: Init na init, pawis na pawis. Iyong Hypothyroid naman ay iyong opposite. Lahat ng opposite noon. Mabagal, tumataba.
Dr. Almelor-Alzaga:‘Yong iba sasabihin nila, ang konti na nga lang nang kinakain ko pero tumataba pa rin, o ‘yong parang numinipis ang buhok.
Nurse Nathalie: Question: Nagsimula sa paghilik at paghirap sa paglunok then later on may nakitang bukol sa kaniyang lalamunan. Could this be considered goiter?
Dr. Almelor-Alzaga: Sa loob ng lalamunan o sa labas? Kasi kung humihilik ‘tapos hirap pong lumunok baka po sa loob nagsimula. Marami kasing parte doon na puwedeng magbara doon sa daanan ng hangin. Katulad po ng tonsils natin kung malaki o kung sa mismong daanan ng hangin, ang Voice Box, kung may mismong tumutubo doon. So ‘pag sinabi mo kasing lalamunan, kung nasa labas ba iyong sinasabing may bukol o sa loob?
Nurse Nathalie: Masakit ba ang goiter?
Dr. Ignacio: Karaniwan po walang nararamdaman na masakit. May tinatawag kaming thyroiditis na minsan nangyayari sa taong may goiter. Iyon ay kapag mayroong nangyayaring pamamaga doon sa goiter mismo. Kapag ganoon, masakit, mapula, mukhang may impeksiyon ‘yong itsura—masakit iyong sinasabi sa amin ng pasiyente. Ngunit kung goiter lang, na bukol lang, karaniwan walang complaint na masakit.
MAAARI BANG MAGING KANSER ANG BOSYO OR GOITER?
Nurse Nathalie: Puwede bang mauwi sa cancer ang mga bukol na hindi tinatanggal, which is kung sa goiter, maaari ba?
Dr. Almelor-Alzaga: Opo. Ang isa din dahilan kung bakit lumalaki ang thyroid ay kung may bukol na tumubo na maaaring cancer siya. So kaya kung may makita kaming pasiyente na ang sintomas ay may bukol sa leeg, sa thyroid. Ito ay aming chine-check kung cancer. So nagpapa-Ultrasound kami noong leeg para makita kung ano ang itsura niya. ‘tapos pangalawa, kami ay kumukuha ng biopsy. Na mention natin ‘to before, iyong Fine Needle Aspiration Biopsy (FNAB), parang kukunan ka ng dugo pero imbes na sa arm ang tusok ay doon sa bukol sa leeg. Doon sa bukol kukuha kami ng sample ‘tapos babasahin po ng doctor ng Pathology. So maaari talagang maging cancer.
PAANO NALALAMAN KUNG IKAW AY HYPERTHYROID O HYPOTHYROID?
Nurse Nathalie: Doc, nabanggit ninyo itong Hyperthyroidism at Hypothyroidism. Paano malalaman kung ang pasiyente natin ay mayroon nang mga ganitong sintomas? Ano ba ang mga ie-expect ‘pag sila ay nagpunta sa kanilang mga ENT specialist?
Dr. Ignacio: Halimbawa, pumunta kayo sa ENT, mayroon kayong bukol at mayroon kayong nararamdaman na ganoon. Usually, tatlo iyong una naming ipinapagawa. So, iyong Ultrasound, para siyang picture ng thyroid ninyo sa loob, kung anong itsura niya – marami ba siyang ugat-ugat, solid ba siya o tubig lang ba ‘yong laman. Iyon ang una. Pangalawa, ‘yong eksaminasyon sa dugo. Dito namin nalalaman kung Hyperthyroid o Hypothyroid ‘yong pasiyente o normal lang ba ang thyroid hormones niya. Ipinapa-check namin at kung mayroong mataas o mababa man doon, iche-check namin. Kasi kung mayroong kailangan i-normalize o gawing normal na values, usually, pinapainom muna namin ng gamot. Iyong pangatlo ay iyong biopsy nga na sinasabi namin kanina.
Nurse Nathalie: Doc, nabanggit mo —gamot— ano ‘to? Ito ba ay long-term maintenance?
Dr. Ignacio: Depende po. Mga hyperthyroid, usually, kino-control po muna namin. So mayroong gamot na iniinom. Karaniwan, ginagawang normal ‘yong hormones. Ngunit hindi iyon ‘yong long-term plan kapag ganoon. Ang talagang pag-control noong hyperthyroid ay either maoperahan, matanggal namin iyong thyroid, or ‘yong isa pa ‘yong RAI (Radioactive Iodine). Pero depende sa pasiyente kung ano ‘yong mas magandang gawin.
Nurse Nathalie: Maganda nga din doc na malaman nila ‘yong mga simpleng sintomas katulad ng pagpapawis kahit hindi naman sila naglalakad. Or yung mabilis na metabolism for hyperthyroidism. At iyong kabaligtaran kung sila naman ay maaaring may hypothyroidism.
Question: “How do you remedy hyperthyroidism? I have all the symptoms you mentioned at ano po ba ang mga pagkain that I should take because I’m not for synthetic medicine.
Dr. Almelor-Alzaga: Unfortunately, ‘pag ganiyan na lahat ng sintomas na na-mention namin for hyperthyroidism. Ang una kong mai-a-advice ay magpatingin para ma-confirm kung siya ay hyperthyroid. So ‘yong pinakaunang gagawin is mag-blood test.
Personally, ang advice ko ay ‘yong mga gamot para ibaba ‘yong atin hyperthyroid. Dati kaya lumalaki ‘yong goiter ay kung kulang sa iodine. Ngunit ngayon kasi hindi na siya ganoong karaniwan dahil lahat na ng pagkain ngayon nilalagyan na ng iodine. So kapag may sintomas siya…kasi masama iyon sa puso kung mataas ang hormones ninyo…ang maganda ipapatingin niya at kung ano iyong nararapat na gamot ite-take po niya ‘yon.
ANU-ANO ANG MGA MAAARING EPEKTO KUNG HINDI GAGAMUTIN ANG BOSYO O GOITER?
Nurse Nathalie: Ano po ba ang maaaring mangyari kung hindi ginagamot ang goiter?
Dr. Ignacio: Iyong pinakaayaw po namin ay ‘yong hyperthyroid kasi siya ‘yong puwedeng magkaroon ng mga mas delikadong komplikasiyon na pang-matagalan.
Nurse Nathalie: Kasi nababanggit ninyo ‘yong palpilations pa lang, e. What if not treated it might lead to…
Dr. Ignacio: …heart failure. Kung talagang masamang-masama na iyong pag-palpitate. Ang puso kasi isipin natin muscle din iyan. Kahit anong muscle napapagod. So ‘pag matagal na matagal na mabilis ang pag tibok ng puso natin dahil sa hyperthyroid, maaari pong mapagod ‘yong puso at magkaroon ng heart failure.
Dr. Almelor-Alzaga: Kung siya naman ay hindi hyperthyroid, halimbawa may bukol siyang tumutubo, maaaring sa simula hindi ito cancer ngunit paglaon o pagtagal ng panahon nagco-convert siya to cancer. May mga klase ng cancer sa thyroid na kumakalat sa ating lungs, liver, spine, at sa buto.
Nurse Nathalie: Question: Ako po, hindi ko po alam kung may goiter po ako. Ang nararamdaman ko po ay sobrang niyerbiyos, panginginig ng kamay, paminsan-minsan mataas din po ang blood pressure at lagi pong kinakabahan. At doc, kapag lumulunok po ako ng gamot, parang sa lalamunan ko natutunaw. Ano po ba ang dapat kong gawin? At saan po ba ako dapat magpa-checkup?
Dr. Almelor-Alzaga: I would advise sa internal medicine po siyang doctor magpatingin. Maaari kasing ‘yong lahat ng sintomas niya maraming dahilan para doon at isa lang doon ‘yong hyperthyroid. Pero maaaring may mga ibang dahilan pa. Kaya siguro sa internal medicine muna.
Nurse Nathalie: Kung makita na, doon na papasok na magpakonsulta na sa ENT?
Dr. Almelor-Alzaga: Ire-refer po noong internal medicine kung sa tingin niya kailangan ng ENT o doon sa endocrinologist – siya po ay isang internal medicine doctor na nagtraining pa lalo para sa thyroid.
Nurse Nathalie:Question: Goiter po ba itong sa akin kasi kapag lumulunok ako ng pagkain o tubig, nag-a-akyat baba po ang bukol. Minsan lumalaki po at minsan naman lumiliit. Hindi din po siya sagabal sa pagkain o umiinom ng tubig.
Dr. Ignacio: Marami pong puwedeng bukol sa leeg. Hindi lang thyroid. Sa amin po ang pinaka telling sign po namin ay location. Tulad ng sinasabi nga po kanina ni Dr. Almelor-Alzaga, kung nandito sa may mas mababa at gitna mas nag-iisip po kami na maaaring thyroid o goiter. Kung sa mas mataas naman po, dito sa itaas ng adam’s apple na malapit na sa baba/panga pero gitna rin. Iniisip namin maaaring Thyroglossal Duct Cyst naman. So bukol din siya ngunit hindi siya ‘yong goiter na tinatawag natin.
Dr. Almelor-Alzaga: Iyong Thyroglossal Duct Cyst, may pagka congenital iyon. ‘Yong thyroid kasi natin nanggagaling sa parte ng dila ‘tapos may parang daanan siya, bumababa mula doon sa dila pababa dito sa leeg. So ‘yong dinadaanan niya ang normal ay nagsasarado ‘yon. Minsan sa ibang tao hindi ‘yon nagsasara, nagiging bukas pa rin. Nagkakaroon ng tubig, iyon ‘yong nagiging cyst.
Dr. Ignacio: Siguro magpa-check na lang din. Mahirap kasi hindi natin alam kung nasaan eh.
ANO ANG MGA KAILANGAN GAWING LABORATORYO PARA SA BOSYO O GOITER?
Nurse Nathalie: At ‘yan po ang binabanggit ng ating mga ENT specialist, pa-check n’yo ang neck n’yo, kanila laging ipinapayo. Masakit ba magpa-neck ultrasound at ano ba ang diperensiya nito sa 2D echo sa leeg?
Dr. Ignacio: Sa ultrasound, wala dapat kayong mararamdamang sakit doon. Puwedeng medyo may malamig kasi may inilalagay silang gel.
Dr. Almelor-Alzaga: Iyong Hawig po iyon dun sa buntis kapag inu-ultrasound. Ganoon din lang po ‘yong ginagamit nila. So hindi siya masakit. Iyong 2D echo, mainly sa puso iyon ginagamit.
Dr. Ignacio: Para malaman ‘yong function ng puso.
Nurse Nathalie: Baka since hyperthyroid, baka kailangan din siyang ma-clear doon?
Dr. Almelor-Alzaga: Kung tingin ng internal medicine doctor ay may problema na sa puso saka po sila nagre-request nang mga kinakailangan na eksaminasyon.
Nurse Nathalie: Ano bang blood test para matukoy kung hypo o hyperthyroidism?
Dr. Almelor-Alzaga: Ang nirerequest namin ay tatlong klaseng hormones: ‘yong FT4(Free T4; thyroxine), FT3(Free T3; tri-iodothyronine), at TSH (thyroid stimulating hormone). Iyon ay mga hormones na pino-produce ng thyroid at doon namin makikita kung mukha bang mataas o mababa iyong hormones niya.
Nurse Nathalie: Question: Ask ko po kung goiter ba itong nasa gilid ng leeg ko? May maliliit akong bukol na nakakapa. Siguro magandang paglilinaw doc, maraming puwedeng bukol sa leeg?
Dr. Ignacio: Marami po. Isa lang ang goiter na puwede maging bukol sa leeg. Katulad nang sinabi namin kanina depende sa lokasyon. Kapag sa gilid, karaniwang iniisip namin kulani naman. Kulani na puwedeng galing sa impeksiyon. Puwede rin minsan galing sa cancer iyong kulani. Depende rin kapag medyo taas naman may mga bukol din tayong tumutubo sa gawaan ng laway.
Dr. Almelor-Alzaga: Kung sabi niya marami, halimbawa nandito sa may likod na parte ng leeg, marami at dikit-dikit, puwede rin kasing TB ng kulani.
Nurse Nathalie: Alam niyo po kung kayo ay bibisita sa mga ENT, i-expect n’yo na talaga na kakapain nila ang inyong leeg. Pupunta sila sa inyong likod ‘tapos kakapain nila ang inyong leeg, dito sa leeg hanggang sa batok. Even kahit dito sa likod ng ulo, may mga kinakapa ho din sila diyan. At ito din ang isa sa kanilang protocols when checking up on you regardless kung lalamunan ba ‘yan or masakit ang ilong mo, lahat po iyan ay kakapain po dito sa leeg. At napakaganda rin ho na magkaroon din kayo ng ENT.
NAMAMANA BA ANG BOSYO O GOITER?
Nurse Nathalie: Doc, namamana ba ang goiter?
Dr. Ignacio: Malaki pong factor ang family history ngunit sinasabi namin na hindi porke’t may family history ay magkakaroon ka ng goiter. At the same time, hindi porke’t wala kayong family history ay hindi ka magkakaroon ng goiter.
Nurse Nathalie: Kasi ang magandang suggestion ko sana, if you have a relative na may goiter, much better na magkaroon na kayo ng family ENT specialist para din ma-check.
Question: Ako po ay may hyperthyroid and last February 2017 pa ay naggagamot na ako: Tapazole, 30mg araw-araw, ang checkup ko ay every three months. Last checkup ay lumiit na, pero doc ang aking katanungan, bakit hindi puwedeng kumain ng lahat ng klase ng seafood? Baka sa iodine?
Dr. Ignacio: Sa iodine, oo. Seafood is high in iodine.
Nurse Nathalie: Question: Ano daw ang danger if diagnosed ng nontoxic goiter?
Dr. Almelor-Alzaga: Ang nontoxic ibig sabihin normal ang hormones niya. So, malaki ang thyroid pero normal ang hormones niya. Kapag sinabi naman naming toxic goiter, iyon ‘yong mataas ang hormones. So actually, ang tanong niya kung ano ang danger, kung ito ay na-biopsy at lumabas na hindi naman cancer, ang treatment po namin sa ganiyang nontoxic ay surgery pa rin po. Ngunit nagdedepende kung tatanggalin ‘yong buong thyroid o isang side lang. Minsan kasi isang side lang ‘yong tinatanggal po namin. Depende sa itsura din sa ultrasound at pati ‘yong age ng patient, tine-take namin into consideration. Kung may anak na, mga ganoong factors.
ANO ANG EPEKTO KAPAG TINANGGAL ANG THYROID GLAND?
Nurse Nathalie: Parang mas maiging may maiwan pa rin part ng thyroid kasi very important ‘yan. Doc, anong puwedeng mangyari kapag wala na akong thyroid?
Dr. Ignacio: Kapag wala ng thyroid ang sinasabi namin magme-maintenance medication na talaga kasi kailangan natin ‘yong thyroid hormones sa katawan. So katulad ng sinabi ni Dr. Almelor-Alzaga kanina, siya ay parang gasolina na nagpapaandar sa katawan natin. So kailangan talaga natin siya. Kung wala na tayong thyroid, kailangan na natin uminom ng mga thyroid hormone na gamot. Pang habambuhay na iyon.
Dr. Almelor-Alzaga: Opo. Lifetime na iyon. Mga once a day lang naman, usually.
Nurse Nathalie: Kailangan mayroon ka nga talagang thyroid hormone. Iyong simpleng sore throat, posible bang maging goiter?
Dr. Almelor-Alzaga: Hindi naman. ‘Yong sa sore throat, sa ibang parte iyon hindi sa thyroid. Kasi ang thyroid nandito ‘yan sa may harap. Nakapatong iyan sa daanan ng hangin natin. So doon sa pagkakaroon ng sore throat, marami din puwedeng maging cause doon, puwedeng sa tonsils kapag nagto-tonsilitis, ‘yong infection. Puwedeng doon sa may likod na parte ng throat, ‘yong tinatawag naming pharynx, pharyngitis or lahat ng area na iyon puwedeng mag-infect; tonsillopharyngitis or puwede rin kung nagre-reflux mag-cause din iyon ng sore throat; sigarilyo, marami po. Pero ‘yong sa thyroid, labas po iyon e. Nandito iyon sa ibang parte ng leeg.
Nurse Nathalie: Question: Ask ko lang doc, naramdaman ko sa leeg ko tuwing pagod ako, nangangalay siya. Kapag hindi naman ako pagod wala lang, wala din po akong nakakapang bukol. Goiter po ba ito?
Dr. Ignacio: Siguro, sa tingin namin kung ngalay, karaniwan muscle pain kasi sa leeg natin marami din p mga muscles diyan. Marami layers of muscles diyan. So katulad ng sinabi ko kanina, kapag muscle puwede mapagod. So kapag ganiyan, kapag nangangalay puwedeng muscle ‘yong problem natin.
Dr. Almelor-Alzaga: Minsan ‘yong simpleng posisyon ninyo kapag natutulog, nagko-cause din iyon ng ngalay. Siguro para masabi mo talaga na may goiter. Magpa checkup, kakapain, and ultrasound namin.
SAAN MAYROONG LIBRENG KONSULTASYON PARA SA BOSYO O GOITER?
Nurse Nathalie: Mayroon ho bang mga services with PGH and other government hospitals natin na libreng gamutan when it comes to goiter or even checkup?
Dr. Ignacio: Kami ni Dr. Almelor-Alzaga, pareho kaming PGH graduate. Sa PGH, mayroon kaming charity services diyan. So lahat ng konsulta sa OPD namin, sa Outpatient Department, ay walang bayad. Walang bayad ang konsulta. So maaari siyang magpunta doon kung gusto niyang malaman kung kamusta iyong kaniyang goiter.
MAAARI RIN BA MAGKAROON NG BOSYO O GOITER ANG MGA BATA?
Nurse Nathalie: Ilang taon ba ang pinakabata na nagkakaroon ng goiter?
Dr. Ignacio: Wala po talagang specific age ngunit sa experience ko may nakita na akong less than 10 years old, mga 9 siguro. Puwede magkaroon ang bata ng goiter. Iyong goiter na sinasabi naming hindi cancer pero minsan mayroon din mga klase ng goiter na cancer na puwede rin sa bata.
Dr. Almelor-Alzaga: Mayroon kasing extremes of age, ‘pag masiyado kang matanda and masiyadong bata, ‘yon ‘yong mas at risk for cancer.
Nurse Nathalie: Iniisip ko ang pagdami ng hormones ay kapag nagiging, kumbaga, nandoon na sa teenage years ‘yong bata but it is really possible na kahit bata pa puwedeng magkaroon na ng goiter. So dapat maging aware sa mga leeg ng inyong mga apo o mga anak.
Dr. Ignacio: Lalo na pala kung may history na na-expose sa radiation mula sa leeg. Halimbawa, na x-ray dati o na CT scan man.
Nurse Nathalie: Muli banggitin natin ito. Doc, puwede nga bang maging cancer ang goiter?
Dr. Almelor-Alzaga: Opo, puwedeng-puwede. So ‘yong mga bukol na tumutubo sa thyroid, ang general term namin diyan ay nodule. May dalawang klase ‘yon, iyong tinatawag naming solid at cystic kapag na ultrasound. Kapag solid purong laman po siya, ‘pag cystic parang hawig sa balloon pero ang laman ay tubig. Sa dalawang iyon, mas may chance na ‘yong solid ay maging cancer, pero kahit cystic puwede pa rin. So talagang maaaring maging cancer ‘yong mga bukol na tumutubo sa thyroid.
ANO ANG GAMOT NA INIINOM PAGKATAPOS MAOPERAHAN ANG BOSYO O GOITER?
Nurse Nathalie: Question: Nagme-maintain na ako nitong Levothryroxine, safe po ba ito? Hindi po ba ito makakapinsala sa aking kidney?
Dr. Ignacio: Hindi natin sigurado kung bakit siya nagme-maintain, pero kung wala na siyang thyroid or hypothyroid siya, kailangan niya iyong Levothyroxine na gamot.
Dr. Almelor-Alzaga: ‘Yong doctor naman niya, ‘yong Endocrinologist, every three months chine-check kasi iyong level ng hormones niya. Kapag nakikita ng Endocrinologist na masiyadong mataas, ina-adjust niya ‘yong gamot, or masyadong mababa ‘yong hormones ina-adjust din niya ‘yong gamot. So doon sa kidneys naman, chine-check naman nila, usually. Tapos drink lots of water para healthy ‘yong kidneys natin.
Nurse Nathalie: Doc, maaari po bang magpabunot kahit may goiter?
Dr. Ignacio: Kung goiter lang na hindi hyperthyroid, kung normal iyong thyroid hormones niya, wala naman problema kung gusto niyang magpabunot. Ang ayaw lang naman iyong goiter tapos hyperthyroid. Tapos mag-u-undergo ng kahit anong procedure. Kahit hindi bunot, kung ano mang procedure iyon, ayaw namin na mag-u-undergo siya doon hanggat hindi normal ‘yong hormones.
Dr. Almelor-Alzaga: Pa normalize muna niya kasi masama sa puso ‘yong may procedure and then mataas ‘yong hormones.
Nurse Nathalie: Question: My wife has hyperthyroid, she has undergone Radioactive Iodine. Is there a chance that it would return her medication of the radiation?
Dr. Ignacio: ‘Yon iyong isa naming sinabi kanina. Isa pang paraan para ma-address ‘yong hyperthyroid is ‘yong RAI. Pero ang advise ko ay magmonitor pa rin sila kasi kailangan pa rin natin malaman kung puwedeng tumaas ulit o masiyado bang mababa ang thyroid hormones, maaari rin kasi ‘yon kapag masiyadong mababa ang iyong thyroid hormone after ng mga treatment natin. So kailangan pa rin nilang ma-monitor iyong thyroid hormone.
Dr. Almelor-Alzaga: Kasi ang Radiactive Iodine is radiation pa rin kasi iyan. So kailangan nagmomonitor pa rin sila kasi after several years, there is this risk na iyong bukol ng thyroid nila ay mag-convert to cancer. Puwede rin po ‘yon kasi radiation pa rin ‘yon. Which is why, maganda kung regular checkup pa rin sa Endocrinologist nila.
Nurse Nathalie: Question: I am taking Levothyroxine at the moment pero ang feeling ko pa rin po ay parang medyo pagod most of the time and medyo nagiging iritable po ako nang mabilis when things go wrong, in other words, I am very impatient. Ano ba ang sintomas kapag iniinom na ang gamot na ito? Dapat po ba gaganda ang iyong mood or mayroong ibang kailangan i-take into consideration while taking this medication?
Dr. Ignacio: In general, dapat gumanda iyong pakiramdam niya kapag naggagamot. Kaya lang, puwede po kasi kapag sumosobra ang iniinom niya na Levothyroxine, puwede naman po maging opposite ang maging problem niya, ibig sabihin magiging hyperthyroid din siya. So iyon din po iyong isa naming sinasabi kanina. So dapat po ma-monitor. Kapag po may iniinom tayong gamot na hormones kailangan namo-monitor regularly.
Dr. Almelor-Alzaga: Opo, ‘yon nga kasi tinitimpla ng endocrinologist ‘yong gamot kasi maaaring masobrahan na, so bababaan niya. Kung mukhang kulang tataasan naman niya ang gamot. Kaya every three months ang repeat nila ng hormones.
Nurse Nathalie: Question: Mayroon po akong dating bukol sa leeg. Sabi po ng doctor, goiter, pero nontoxic naman. Binigyan ako ng gamot for six months, nawala naman po ang bukol, kailangan ko po bang ituloy-tuloy ang pag-inom ko ng gamot?
Dr. Almelor-Alzaga: Ito ‘yong napag-usapan natin kanina na ‘yong sinasabi nilang, “Doc, wala po ba ‘yong gamot para matunaw ‘yong thyroid nodule?” Ang gamot na ibinibigay nila sa inyo ‘yon po ‘yong hormones na pang replace. Kaya nga po ibibigay nila sa inyo para maisip ng thyroid na ay sapat na ang hormones sa katawan, magpapahinga ako, hindi muna ako masiyadong magtatrabaho, para lumiit ‘yong bukol. Pero ‘yon nga sa mga guidelines namin ngayon hindi na siya ganoon ka recommended.
Nurse Nathalie: Hindi na dapat pinaiimpis.
Dr. Almelor-Alzaga: So kung six months na siyang nagte-take, I would suggest bumalik siya, magpa-checkup to see kung iyong bukol niya ay lumiit or lumaki. Kung wala kasing pagbabago ibig sabihin talaga hindi siya responsive doon sa gamot and next step na ang kailangan niyang gawin.
Nurse Nathalie: Question: Doc, ask ko lang po bakit bumabalik po ang thyroid growth? Ipina-radiation ko na ito. Bakit bumalik na naman po? Dati pong hyperthyroid ngayon ay hypothyroid na. At nag-dry din ang aking skin. Kapag umiinom ako ng vitamin E, nagpa-palpitate ako. Ano ba ang inyong maipapayo?
Dr. Ignacio: Kung bumalik po ‘yong hyperthyroid niya o bumalik ‘yong bukol? Hindi natin sigurado.
Nurse Nathalie: Pero maaari po pala iyon doc, from hyperthyroid to hypothyroid?
Dr. Almelor-Alzaga: Opo kasi nga po papatayin noong Radioactive Iodine ‘yong cells ng thyroid so magiging hypothyroid po siya.
Nurse Nathalie: So talagang dapat ang iyong monitoring.
MGA HULING PAALALA
Dr. Almelor-Alzaga: Maraming salamat ulit sa oportunidad na ito para makatulong sa ating mga kababayan. So ang goiter ay isang sakit na may solusyon. Maigi po talaga na magpatingin para hindi na tayo, siguro ganito ‘to, siguro ganiyan, para po talagang confirmed natin kung ano ang ating kondisyon. And kung ano man iyong nararapat na gawin. Ang doctor naman ay gagawin to the best of their abilities.
Dr. Ignacio: Ang goiter po ay sinasabi po namin mas maaga mas madaling gamutin. Kahit po na ang goiter ninyo ay lumabas na cancer, iyon din po, ang cancer sa thyroid ay madali din pong i-address basta maaga pong pumunta sa doctor madali po naming magagamot iyan. So para makaiwas po tayo sa malalaking operasyon, sa mga komplikasyon—Mas maaga, mas maganda po.